Para sa isang banda na binago ang Pinoy Rock noong decada nobenta at nagbigay daan sa alternative Pinoy Rock na nakikita natin ngayon, maraming kulang sa docu para ipaliwanag ang kahalagahan ng Eraserheads. Walang analysis ng OMP scene bago 1993. Halos burahin ang contexto kung gaano ka-radical ang Eraserheads at kung paano nito nahulma ang buong musical landscape natin. Isa pa, iniwasan ng documentary na silipin man lang ang mga foundational influences ng songwriting lalo na sa malalim ng musical influences ng frontman na si Ely Buendia.
Insider man ang director na naging asawa ni Buendia, dating manager, bagsak ang film sa kakulangan ng mga rare studio recording footage. Walang mga anecdotes sa recording process. Ang nakita lang natin ay mga clips na nakita na natin - mas marami pang clips sa reunion concert noong Reunion concert at sa Huling El Bimbo tour. Hindi ba malapitan ng film maker yung mga gatekeepers na may hawak ng lumang footage ng banda? Mga kaibigan nila na may mga rare photos ng banda na nakatago? Mga industry peers na may mga anecdotes? Ang impression ko tuloy ay walang malalim na interest sa musicology or talagang walang access sa industry gatekeepers ang director. Mas resourceful pa nga si Levan. Hanapin niyo sa YouTube madami siyang mga concert footage ng Eheads.
Naguluhan din ako sa mabilis na editing at tila may 5 minute limit sa bawat topic ng mga controversies ng banda. Kahit sa mga mabibigat na topics ng banda, ang ikli lang at walang honest na sagot na maaasahan. Ang resulta ay unresolved at unsatisfying. Kaya nga may documentary para no holds barred interviews dapat. Parang pinoprotekahan pa rin ang banda para hindi mag away-away at magdisband na naman.
Maganda sana kung sa topic ng "hindi kami friends" na binitawan ni Ely noong 2022, dito i-cover yung continuation gig na inorganise ni Raimund Marasigan sa Sagijo habang nasa ICU si Ely. Tapos explore nila yung issue ni Marcus sa anak niya at dating kasintahan na si Barbara Ruaro. Mag deep dive sila diyan habang nagpapaliwanag yung mga kabanda niya kung ano ang position nila. Si Ely pa naman gusto tanggalin si Marcus na talagang nilaglag niya sa mga interviews niya at sinabi pa na hindi niya isasali si Marcus sa Huling El Bimbo reunion. I-challenge si Ely, bigyan ng mga mahihirap na tanong para lumabas ulit yung pagkamasungit niya sa media. Notorious pa naman ito na mahirap interbyuhin noon. Dikdikin siya tungkol diyan para mag progress yung topic na "Hindi Kami Friends." Yan ang magandang structure para sa topic na yan.
Kaso makikita nila na ang Eraserheads ay totoo ngang hindi magkakaibigan. Hindi Band of Brothers kung hindi Band of Co-Workers lamang na pinoprotektahan ang brand na Eraserheads at handa silang ipasagasa sa pison si Marcus o kung sino mang ka-banda nila para sa pera.
Walang masama sa pera siyempre. At dito sana na-explore kung paano nabulok ang banda. Kung bakit noong late 90s ay nasuya mga tao sa kanila dahil sa over exposure. Isipin mo naman na top selling band ng Pilipinas na sila pero makikita mo araw-araw sa club circuit ng Manila. Yung major concert nila noong 1998 para suportahan ang album na Stickerhappy sa Cuneta Astrodome, hindi nila napuno. Sobrang konti ng tao kahit na sikat yung mga singles na Kaliwete, Spoliarium at Para sa Masa. Kasi sawa na mga tao sa kanila dahil mapapanood mo naman sa Mayrics o kaya Padi's Point, mas mura na, may libreng beer pa.
Maraming missed opportunities ang docu. Marami pa rin kasing gatekeeper na takot sa mga mabibigat na topics at gusto nila ay protektahan ang corporate brand at walang interest ang director sa katotohanan. Kung may independent director na gumawa niya na talagang matigas ang mukha, siguro mababanas ang Eheads at gagamit ng court injuction para pigilang makakita ng sinag ng araw ang docu.

Comments
Post a Comment