Kailangan Ba Talaga Ng PBA Ang 4 Point Shot Eh Sa Tres Pa Nga Lang Sablay Na?
https://indiosbravos.mixlr.com/recordings/2509220 (Dito pala may podcast tayo at may halong konting sorpresa kung papakinggan niyo basta makinig hanggang sa huli)
Sa susunod na conference ng PBA ay maglalagay na sila ng 4-point line ayon sa League Commissioner na si Willie Marcial. Nagkasundo ang mga PBA Board of Governors sa implementasyon ng 4-point line na ito dahil naniniwala sila na makakatulong ito para lalong gawin exciting ang liga at magbalik loob ang mga tao sa PBA na nakaranas ng slump at pagkalugi. Itong 4-point line din ay inaasahan nila na maging motibasyon para ang mga manlalaro ay magsanay ng husto sa kanilang long range shooting at magiging dagdag na benefit ito para sa mga manlalaro sa PBA na nagsisilbi sa national team.
Hindi pa malinaw kung saan ilalagay ang 4-point line. Dahil ang kasalukuyang 3-point line ay 22 feet mula sa basket. May balak sila na ilagay ang 4-point line sa 27 feet. Isipin niyo kung saan tumitira sila Steph Curry at Damian Lillard - yun ang 4-point line ng PBA.
Maaring tama sila, na maengaƱo ang mga manlalaro na mag practice tumira ng ganyan kalayo ay makatulong ng malaki para sa international events. Ang masama naman na makikita natin ay maglalaho ang midrange game. Anong klaseng boring ang makikita natin kung lahat na lang tumitira ng ganyan kalayo at puro paltos mga tira? Dunks, lay-ups at 4-point attempts mauuwi ang laro at masakit sa mata ang makakita ng mga paltos na tira.
Malaki ang magiging epekto ng pagbabago sa dimensions ng court sa laro ng basketball. Maraming adjustments ang gagawin para sa existing na plays na alam ng mga coaches natin. Kung mautak ang coach at samantalahin ang mga gaps na makikita yun siguro ay makakabuti para sa laro. Magkaroon kaya ng mga designated defenders para sa mga long range shooters? Maaaring ma-develop ang ganyang mentality sa isang player na magiging valuable sa kanilang team.
Pero gaano kabilis makakapag-adjust ang mga manlalaro sa PBA para paghandaan ang 4-point line na ito? Masama kasi sa imahe at mahirap i-market ang liga na ang mga players ay hindi maka-buslo sa 4-point line. May iilang players sa PBA na may ganyang range pero hindi pa Steph Curry o Damian Lillard clones. Siguro itong 4-point line ay maging bagong 'dagger' kagaya ng 3-points noong 80s nang i-introduce ito. Nag-iba lang ngayon dahil sa development ng Euro style na ang 3-point shots ay naging second nature na sa isang player at may improved practice regimen ang mga manlalaro ngayon para maging consistent sa 3-point range.
Ang National Team Ay Responsibilidad Ng SBP. Hindi PBA.
Ang national team ay dapat responsibilidad ng SBP. SBP ang namamahala ng lahat ng basketball affairs ng bansa. Mula youth development, training ng mga coach, scouting, overseeing ng mga liga at management ng youth development teams at senior national teams.
Ang PBA hindi dapat ma-obliga na magpahiram ng players tuwing kukumpas ang SBP. At ang SBP naman dapat maintindihan na ang PBA ay commercial league na hindi obligado magpahiram ng players sa kanila kasi trabaho nila ang mag develop ng players na magagamit para sa international events kung kinakailangan.
Nang mabigo ang USA sa 1988 Olympics laban sa USSR, nag lobby ang US na baguhin ng Olympics ang kanilang policy para payagan na ang mga professionals na maglaro sa Olympics. Mahigpit kasi noon na binabawal ang professionals kasi mas lamang nga naman sila sa ibang bansa at lalampasuhin lang nila Jordan, Magic, Kareem, Bird etc ang ibang bansa. Sa kalaunan, pumayag ang Olympic Committee at sinabak na nga ang US Dream Team sa Olympics noong 1992. Matagal nang minumungkahi ng US yan na payagan mga professionals maglaro.
Yan naman ay unang nasubukan ng Pilipinas sa Asian Games 1990 nang isabak natin ang ating Philippine Dream Team na binubuo nila Paras, Magsanoc, Patrimonio, Fernandez, Calma, Lim, Caidic etc. Malaki ang inaasahan ng mga Pinoy sa Philippine Dream Team na ito. Dahil ang mga players natin ay professionals, sigurado naman wala nang panama ang China diyan diba? Ayun nilampaso tayo ng China at naguwi lang tayo ng Silver.
Dahil sa resulta na yan natauhan ang mga Pinoy at naasiwa sa PBA. Ang kawawang PBA ang pinagbuntunan ng galit. Bumaba ang attendance. Pero ayan na naman ang BAP (precursor ng SBP) kumakatok na naman sa PBA at ito na naman mga fanticong Pinoy sa basketball sige daw isang ulit pa baka makuha na natin ginto sa Asian Games. Pinadala yung kalahati ng San Miguel team na nakakumpleto lang ng Grand Slam kasama ng ilang superstars kagaya nila Patrimonio. Natalo sa South Korea sa Group Stage kaya ayun na ping-pong sa semis katapat ang China. Tinalo ng China kaya wala na sa gold medal round. Natalo sa Japan para sa bronze kaya ayun 4th place.
Sobrang sama na naman ng loob ng mga Pinoy kaya nagtampo na naman at hindi nanood ng PBA. Nilalangaw ang liga. May trend na. Tuwing natatalo ang PBA backed national team, nilalangaw ang PBA. Kaya diyan naging madamot ang PBA sa pagpapadala ng player.
Pero hindi talaga maiwasan, nagpadala na naman ng team para sa Asian Games 1998. Ngayon mas mahaba preparasyon kaya matagal nag sakripisyo ang liga dahil wala rin sa kani-kanilang mga koponan ang mga superstars. 1996 pa lang ay nagsasanay na sila sa ilalim ni Cone. Hindi ko na pahahabain ang storya kaya doon na tayo sa semis. Natalo tayo sa South Korea kaya nakaharap natin ang China sa semis. Kay saklap talaga ng buhay. Nilampaso tayo ng China kaya hanggang bronze medal na lang tayo. Bilang consolacion, tinalo natin ang Kazakhstan para makapag uwi tayo ng medalya kahit Bronze. Lahat ng paghihirap na yan, bronze medal lang ang naging resulta.
Pag balik ng mga manlalaro sa PBA ay nadatnan na naman nila ang mga empty stands sa Cuneta Astrodome. Kawawang PBA, nawalan na ng gana ang mga fans. At hindi pa rin natuto kahit alam na nila na may trend na hindi nakakabuti ang pagsisilbi sa bayan dahil itong mga fanatico sa basketball na Pinoy ay mga ingrato.
At hanggang ngayon nagagalit pa rin ang mga ingratong Pinoy sa PBA kapag hindi sila ganado pag pagpapahiram ng players ang pinag-uusapan. Sila kasi ang natatamaan. Lugi ang negosyo ng intsik sa national team na yan.
Kasalanan talaga ang lahat ng ito ng incompetence ng BAP (Basketball Association of the Philippines). Nang mapatalsik si Marcos noon, hindi na nila alam kung paano patakbuhin ang BAP. Ang mga huling batch ng players na na-develop nila ay sila Patrimonio, Lastimosa, CodiƱera. Puro mga mediocre na lang mga players pumapasok sa liga. At puro asa sa PBA. Ang PBA naman naiistorbo ang liga.
Bilang solusyon para sa problema na ito, ang FIBA ay nag-talaga ng FIBA window na sinusunod ng mga liga ng basketball sa buong mundo. Sa FIBA window ginaganap ang mga tournaments kagaya ng FIBA World Cup Qualifiers at FIBA World Cup. Maging ang Olympic Qualifiers ay tinataon din sa FIBA Window. Itong FIBA window na ito ay dapat na sinusunod din ng Pilipinas bilang miembro ng FIBA para ang mga manlalaro natin ay libreng-libre.
Dito nagkaroon ng pagkukulang ang PBA dahil hindi nila inaayon ang kanilang liga sa FIBA window na ito. Swapang kasi ang PBA at pag sinabi kong PBA, ang team owners nito. Mga swapang yan! At dahil diyan sa kaswapangan nila ay tambak ngayon sila ng maraming problema. Sa dami ng kanilang problema ngayon, malapit na silang maglaho at maging isang alaala.
Unfair Expectations Sa PBA Na Mag-develop Ng Players
Isa mga bagay na sumira din sa PBA ay sila ang naging villain at talaga na-demonize ng mga online basketball experts kuno bilang salarin sa pag-stagnate ng basketball sa Pilipinas. Itong perception na ito ay kumalat kaya nasira ang credibility ng liga. Alam ko marami din pagkukulang ang liga, pero nais kong ipagtanggol sila sa bagay na ito. Naaawa na din ako sa kalagayan nila.
Ang PBA ay professional na liga ng basketball sa Pilipinas. Hindi nila trabaho ang mag develop ng players kahit na totoo na ang manlalaro ay nahahasa at gumagaling sa paglalaro ng regular na basketball sa professional at well-structured na environment. Ang development ay trabaho ng SBP. At pag developed na ang player, sila ay sasali sa draft para makapaglaro sa pro leagues. Ganon lang kasimple yan. Ang PBA ay negosyo, wala nang iba. At walang masama doon.
Nandito ang podcast ko tungkol diyan - https://indiosbravos.mixlr.com/recordings/2358615
Mag Restructure Dapat Ang PBA
Ang talagang issue ng PBA kung kaya maraming hindi nasisiyahan ay dahil sa kapansin-pansin na policia ng PBA Board of Governors sa mga koponan na pag-aari ng SMB at MVP. Parang ang PBA ay labanan na lang ng dalawang higanteng mga kumpanya na ito. Nakakasuka naman kasi ang mga kaduda-dudang player trades. May mga pinagdududahan din na mga koponan na ginagawang kasangkapan ng SMB at MVP teams na binansagang mga "farm teams." May mga kataka-takang trades kung saan ang developing team na nakakuha ng prized rookie ay biglang papayag sa trade kung saan ang kanilang prized rookie ay ipapalit sa isang out of form, bench warmer ng SMB o MVP.
Hindi maitatago yan eh. Kung gusto ng PBA na makuha muli ang tiwala ng mga tao sa kanila, aminin nila pagkakamali dito at i-outline nila kung paano maiiwasan ang mga ganitong bagay.
Una nilang gawin para maiwasan ang mga lopsided at questionable trades ay buwagin ang mga Board of Governors na yan. Dapat may magkaroon ng hiwalay na management structure kasi yung lumang model ng PBA ay conducive sa mga unfair practices. Sino maniniwala na ang magkakahiwalay na Board of Governors na mag rerepresenta sa mga koponan na pag-aari ni MVP o SMB ay hindi magsasabwatan? Nakikita natin mga sungay nila pag magsasalita sila sa media para alisin ang ating pangamba. Lalo na at may background sa abogacia ang mga ulol na ito. Sino maniniwala sa kanila?
Hindi rin natin masisi na ang mga team owners na may malalim na bulsa kagaya ng MVP at SMB ay magdagdag at mag manage ng maraming teams. Sisihin natin ang economia diyan. Iilan lang ba mga mayayaman sa Pinas? Sobrang makapangyarihan ang mga corporations sa atin na may monopolisation sila sa halos lahat ng industria. Kung bibitawan nila ang dalawang extra teams nila, sino sasagip sa mga teams na yan para bayaran ang sahod ng mga manlalaro?
Ngayon papayag ba ang mga PBA team owners na mawalan ng control sa kanilang liga? Maghanda na lang sila mga scuba gear nila dahil lulubog sila sa kangkungan at hindi sila maisasalba ng 4-point line.
Comments
Post a Comment