Philippine Mens National Football Team - Unang Panalo Sa Mitsubishi Cup At Unang Panalo Laban Sa Matinding Contrapelo Na Thailand!
Goal! |
December 28, 2024, ay araw na hindi natin malilimutan. Ito ang pinakabago sa mga milestones ng ating Pambansang Koponan sa Mens Football. Sa araw na ito ay tinalo natin ang Thailand. Unang panalo natin sa semis ng AFF Mitsubishi Cup (na dating Suzuki Cup) at unang panalo din natin sa Thailand.
Sa larong ito ay nag emerge din ang bagong hometown hero na si Sandro Reyes. Tubong Marinduque na natuto ng football sa Pilipinas na kasalukuyang naglalaro sa Greuther Furth sa 2 Bundesliga (2nd division ng German football). Ito ang maipagmamalaki natin na producto ng bayan natin na maaaring maging role model ng milyon-milyong kabataang Pilipino. Marami ang susunod sa yapak ng batang ito at ipagdasal natin ang kaniyang tagumpay sa international career niya.
Electric ang unang goal sa laban na ito na dumating sa 33rd minute ng first half. Sa counterattack nagmula ang isang magandang through ball ni Sandro Reyes para kay Monis na rumaragasa sa kanan. Naharangan siya ng mabilis na Thai defense at kanyang binalik ang bola sa tumatakbong si Reyes sa gitna na agad na pinosisyon ang pala sa kanyang kaliwa at tinira ito mula sa labas ng box at nahanap ang goal. Isang eksena na kinatuwa ng maraming nanonood at nagbigay buhay sa ating team.
Sa umpisa pa lang ng laban ay kinokontrol natin ang possession. Isang bagay din na aking kinagulat dahil ang Thailand ang karaniwang kumokontrol ang possession. Kilala sila sa kanilang tiki-taka style at mabilis na one touch passing. Ito ay patunay sa magandang preparasyon ng ating koponan koponan.
Bago matapos ang 1st Half ng laban ay nakakuha ng goal ang Thailand mula sa mabilis na counter- attack. Isang magandang cross na nahanap ang paa ni number 21 Suphanan Bureerat para sa equalizing goal na nagpatahimik sa home crowd sa RMS.
Pagpasok ng 2nd Half ay agad na bumira ang Thailand kaso tumama sa cross bar. Sinundan ng isa pang attempt na lumampas naman sa cross bar. May isa pang counterattack na nagmula sa isang cross sa right side na hindi nai-convert ng Thai attacker. May mga anim na scoring chances ang Thailand na hindi nagresulta sa goal.
Ang Pilipinas naman ay nag-iba ng tactica. Gusto nilang umatake sa gawing kaliwa para mapunta ay bola ay Rublico. Si Rublico ay hindi naglalaro sa kaniyang natural na position sa Left Midfield o Left Wing. Siya ay natural na defender at hindi attacker. Pero dahil sa kaniyang angking husay sa dribbling ay ginagamit siya na attacker. Pinapaboran din niya ang kaniyang kanang paa kaya kahit mabilis siya ay naaabutan siya ng mga Thai defenders dahil may tendency na pumasok sa gitna para gamitin ang kaniyang kanang paa. Marahil ay nagkaroon ng dilemma ang coaching staff dahil ang RB ay kuha na ni Tabinas. Huwag tayo magugulat na makita si Rublico sa RM at ilagay naman si Mariona sa LM sa 2nd leg sa Thailand bukas 30 ng Deciembre.
Ang game winner ay dumating sa 4th minute ng injury time sa isang indirect free kick ni Bailey na na-header ni Tabinas papunta kay Kike Linares na kanya naman nai-header patungo sa bottom corner ng far post. Isang eksena na nagpasabog sa mumunting stadium natin. Pagkatapos ng header ay agad na umatake ang Thailand na napigilan ng 2 heroic saves ni Quincy Kammeraad.
At nang dumating ang panghuling pito ng laro ay napaluha ang marami sa mga taga suporta ng football. Napigilan ko naman na umiyak kahit na pumipiyok na ang boses ko. Hindi rin agad na naghanap ng labasan ang mga tao at nanatiling nakatayo sa stands. Marahil ay kanilang sinisigurado na hindi sila nananaginip o hinihintay na dumaan ang national team sa harapan nila para makawayan at mapasalamatan sa isang gabing hindi malilimutan.
Ang unang pagtatagpo ng Pilipinas at Thailand ay may magandang resulta na. Hindi pa tapos ang laban dahil may huling laban sa Thailand at may kalamangan tayo na kailangan natin alagaan kung tayo ay papasok sa Finals ng AFF Mitsubishi Cup.
*****
Sa wakas at hindi na Azkals ang kanilang monicker. Hindi sa wala akong respeto sa mga asong kalye, mahal na mahal ko ang mga asong kalye at dalangin ko ay balang araw wala na tayong makitang aso na pagala-gala sa kalye na walang matirahan at walang makain. Mas pipiliin ko pa ang mga aspin sa imported na aso. Ang aspin ay matalino at matapat at talagang mapagmahal.
Pero sa football, ang nickname na Azkals na sobrang bakya na. Ang corny pa ng logo na ginawa para dito. Tuwing nakikita ko yan ay lagi akong naduduwal at nilalayo ko ang mata ko para iwasan at hindi makita ang walang kwentang disenyo ng logo. Itong Azkals na logo din ay palatandaan na likas na mapagsamantala ang ating mga kababayan. Ginawa nila mga t-shirt at kung ano ano pang mga merchandise para kumita ng pera pero walang naibabalik na contribution sa football. Tingnan niyo nangyari sa suporta ng MVP Group at mga TV networks. Nasaan na? Wala na. Kahit may importanteng laban ang national team, walang TV coverage. Ganon din sa womens team na lumahok sa Womens World Cup. Ang mga taga-subaybay sa ating bayan ay nagkukumahog na makahanap ng coverage dahil ni isang TV network ay walang coverage.
Pag basketball walang problema kahit saang sulok may streaming at ang mga TV networks ay nagpapatayan sa bidding para makakuha ng rights.
Ang approach ng PFF (Philippine Football Federation) noong 2010 ay pasikatin ang national team para suportahan ng mga tao ang football. Dahil sa mababang quality ng manlalaro na nanggagaling sa youth level, alam natin na hindi uubra sa region pa lang natin na pinapaligiran tayo ng mga football fanatics. Kaya ang ginawa nilang strategy ay magrecruit ng mga manlalaro sa Europa na may dugong Pinoy. Sa pamamagitan nito naging competitive ang ating national team na binansagang Azkals at nagkaroon ng following.
Ngayon ay 2024 na at nakailang AFF Suzuki Cups na at 4 na semis appearances pero wala pa rin trophy na gusto makita ng mga potential sponsors sa atin para suportahan. May domestic league na rin na noong umpisa ay libre lang ang entrance pero walang nanonood.
Oras na para ayusin ng PFF ang football sa atin. Palakasin ang grassroots, magdagdag ng mga stadiums at infrastructures para sa football at palakasin ang domestic league. Ito ang mga bagay na hindi nagawa ng nakaraang PFF leadership. Sana ngayon ay may makita na tayong mga pagbabago.
Comments
Post a Comment